'ika nga...


Submitted by PinoyPhotog on Thu, 2006/06/22 - 8:13pm.

Sa tuwina'y nangungulila ako at hinahanap-hanap ang makulay na Wikang Pilipino. Iba ang taginting, iba ang dating at ibang maglaro sa salamisim, balintataw, gunita at kamalayan. (Ha! Laban ka!?!)

Palibhasa'y bihira ko nang marinig dito sa 'merika, lagi ko tuloy naiisip kung saan-saan nanggaling ang "Sariling Wika." Bago ko nakasalumuha ang mga Kastilaloy sa Miami, akala ko ating-atin lang ang "basura." Hindi pala. Pati "syempre" sa kanila rin pala yun (kahit na iba ang baybay at iba ang ibig sabihin). Ang "diko" at "ditse" galing sa Intsik. Ang "babi" at "nasi" hindi lang pala sa tiga-Pampanga kundi sa tiga-Indonesia rin.

E ano na lang ba talaga ang sariling atin? "Tapsilog?" "Nandi2?" "Jologs???":P

Sabi ng Lolo ko, nung araw daw pag dumating ang panahon na nais ng isang lalaki na "lumagay sa tahimik" kakailanganin nyang humingi ng tulong sa isang "makata." Ang makatang ito ang siyang magpapahiwatig ng niloob ng lalaki sa mga magulang ng dalaga -- hindi "pahayag" sa tuwirang salita kungdi "pahiwatig" sa pamamagitan ng talinghaga at tula. At ang pamilya daw ng babae ay mayron ding kakamping makata. Kapag natalo ng makata ng babae ang manok ng lalake, walang kasalang magaganap! (Tanan na lang daw ang solusyon!)

Sa mabuti o masama, wala na'ng mga makata. Sinipa na ng "email" at "text?" :P

Pero nakakaaliw isipin: s'an galing ang "hirang," "giliw," "tinatangi?"
At ang "nagpanting ang tenga?" o "kumulo ang dugo?" Ang "balang araw," "pagputi ng uwak," "kulog sa tag-araw" at "putok sa buho?"

Sabi nga nung kaibigan kong kano matapos marinig ang "translation" ng mga "talinghagang" nabanggit ko: "Picturesque and imaginative!"

Huling Sambit:
Nung ako'y bata pa, masama ang loob kong mautusang bumili ng suka...dahil meron naman kaming katulong na dapat tumakbo ke Akong ("spoiled" na bata, ano?). Pero sasabihin lang ng Lola ko: "pag naubos ang barya, pati buo nagagasta." (Ibig sabihin, masyado kong minamahalaga ang sarili ko -- pisong papel at hindi singkong bagol -- di mautusan...waaahhhh!).

Wa na 'ko sey. :(

======================

Pahabol: Sa mga hindi nakahuli, ang pamagat ng sulating ito "ika nga..." ay galing sa "wika nga ni..." o "sinabi nga ni..." Isa pa sa mga makulay na pananalita na ngayon marahil ay "nabaon na sa limot."

Comment viewing options

Select your preferred way to display the comments and click "Save settings" to activate your changes.
Submitted by jorge de luna a... on Sun, 2006/07/02 - 5:24pm.

medyo nakakainis kung papaanong gawin ng hollywood ang isang mundong huwad na katotohanan. Malamang mas murang mag-shooting sa Pilipinas kaysa Korea, katulad ng mga pinoy na Vietcong sa "Apocalypse now" at ang mga raliyistang pinoy na mukhang mga Sri Lankans sa "A Dangerous Life." Tutal, ika nila, hindi naman mahahalata ng mga amerikano ang mga kahuwarang ito dahil marahil sa kanila, 'pinoy, vietnamese, hapon, chino, koreano - pare-pareho lang yan.'

Sa dinami-daming magagaling na haponesang aktres, bakit si Zhang Ziyi pa at Gong Li ang kailangang lumabas sa 'Memoirs of a Geisha'? Ang dating Geishang taga-Kyoto na pinagkunan ng kwento nito ay umaangal sa dami ng mga kasinungalingang idinagdag sa pelikula. E kaya nga pelikulang hollywood di ba? Pinagmumukha lamang na katotohanan. Memoirs pa daw.

Tungkol naman sa puna ni Eyni, hmmmm, hindi nga kaya? Mahirap din nga namang basta na lamang paniwalaan ang mga sinasabi at isinusulat ng isang creative writer na tulad ni Isagani Cruz. :-) Marami rin niyan sa hollywood.

Submitted by kyo on Fri, 2006/06/30 - 2:50pm.

Napananood niyo na ba ang Big Fish na tinampukan ni Ewan McGregor? May isang eksena roon kung saan nag-parachute siya sa isang Korean army camp at may isang 'ventriloquist' na sundalo pero ang puppet ay nagtatagalog!

-kyo-

Submitted by eyni on Sat, 2006/06/24 - 5:00pm.

yung mga Fil-Chi/Chi DLSU students ang mga narinig ni Dr. Cruz? Hehehe. Just teasing...sorry can't help it.

I wish though, that the Filipinos will be recognized for being well-rounded - culture-wise, etc.

>>==Annie=>

Submitted by jorge de luna a... on Sat, 2006/06/24 - 4:18pm.

merong isang propesor sa DLSU (Dr. Isagani Cruz) na napunta sa China. Minsan napasyal siya sa isang malayong barangay sa lugar na bulubundukin. Naulinigan niya sa isang sulok ang para bang salitang tagalog. Lumapit siya para imbistigahan. Akala niya'y katunog lamang dahil ang anyo ng mga nagsasalita ay pawang mga tsino. Nguni't masyadong malapit sa tagalog ang kanilang usapan. Nagtanong siya sa tagalog upang subukan kung maiintindihan siya ng mga ito. Laking gulat niya nang sumagot sa kanyang tanong ang mga nag-uusap.

Kung pakikinggan mo ang salita ng mga Ifialig (mga mamamayan ng Barlig, Mountain Province) napakalapit ng tunog nito sa salitang tsino. Ang isa pang katakataka ay ang mga banga nila na minana pa raw nila sa kanilang mga ninuno. Gawang tsina ang mga ito. Mayroon din silang alamat ng dragon na ang anyo ay katulad ng mga dragon na nakatatak sa kanilang mga banga.

Comment viewing options

Select your preferred way to display the comments and click "Save settings" to activate your changes.