Ang Madyik ng "Wowowee"


Submitted by PinoyPhotog on Fri, 2006/07/21 - 5:29pm.

Nagbalik-bayan ka, pagkaraan ng ilang taong mag-ipon ng dolyar. Ano ang susunod mong gawin matapos buksan ang Balikbayan Box, ipamudmod ang tsokoleyts at de latang corned beef, mamasyal sa Ayala Alabang at manalangin sa puntod ni Inang sa Manila Memorial Park? Magpatala sa Wowowee, kung TFC subscriber ka at maraming one dollar bills.

Baket? Kasi dun sa Wowowee (na ang host ay sanglibong beses nang nasuspinde dahil sa paggamit ng off-color, double meaning dyoks…kahapon lang: "...ako pupunta ke Doktor Belo para magpahaba...ng paa!") magiging para kang sikat na artista…at tunay na bida. Basta ba tiyakin mo lang na makukunan ka ng kamera habang inaabaniko mo ang ilang dolyar sa isang kamay at hawak naman ng isa ang bond paper na nagsasaad kung saan sa 'merika ka nanggaling. At lalo ka nang sikat pag natapat sa iyo ang mike at hinihingal mong babatiin ang kumare, kumpare, asawa't anak (kahit na ba katabi mo pa sila), at mga kabarangay sa Daly City, Caaaalifooorniaaaa!

Nahablot na ng host ang abuloy mong pera, at kasama ng iba pang nakalap, ito ay gagawing papremyo sa mga kontestant o kalahok (na ang karamihan ay "nangutang ng pamasahe makarating lang sa istudyo," o "hiniwalayan ng asawa," o "walang pambili ng gamot ni Tatay na naka-confine sa PGH.") Depende sa kung gaano sila kalakas humagulgol o maka-antig damdamin, meron na silang 'sang libo o 'sang libo't limang daang piso plus twenty dollars bago pa man mag-umpisa ang paligsahan.

At habang nagaganap ang ‘sang oras at kalahating patuntunan, hindi mo na marahil matitiyak kung kumportable kang naka-"bling-bling" at Armani habang sa entablado sa ibaba, isang batang naka-pudpod na Beachwalk at butas-butas na sando ang pinipilit ng host na magpasalamat "sa Ingles, ha, kasi galing sa Amerika ang mga nagbigay sa iyo ng dollars na yan!"

"Tenks por da TFC sabscraybers to gibing me dis dolars."

"Ilang bata kayang katulad nito ang namatay o nasaktan nung nagkar'on ng stampede ang mga taong nag-uunahang makapasok at makapanood dito?" marahil ay maiisip mo.

"Pero marami naman kayong mga balik-bayan na araw-araw ay pumunpunta dito para magpa-ulan ng dolyar," sagot naman siguro agad ng kunsenya mo. "At araw-araw din, pwede silang manalo ng house and lot, o jeepney, o tricycle na pang-hanap buhay."

Kaya, siguro, itinuon mo na lang ke Luningning ang mga mata ("Hanep gumiling ang balakang na yan, oo!") para di na maramdaman ang paninikip ng lalamunan na dala ng guilty conscience.

O di ba, bida ka na sa "red carpet treatment," marami ka pang “eye candies�? na nakikita: "Sa dilaw ka na lang kayaaaaa?"

At bago mo lubusang ma-enjoy ang mala-karnabal ng palabas, tapos na agad ang Wowowee. At sa trapik papauwi, maiisip mo marahil:
"ano ang madyik ng Wowowee? Bakit sila nagpapakamatay makapasok lang sa istudyo? Ganun nga kayang karami ang nagdaranas ng hirap sa buhay, o walang pamasahe at di makauwi sa Samar para abutang buhay pa ang naghihingalong ina? Papa'nong nagkakasya yung tatlong libong pisong sweldo kada buwan sa pamilya ng sampu? At yung puro tisay na dancers -- ang dami -- ilan kaya ang talagang maputi at ilan ang nagbe-bleach lang sa kanila?"

Sa 'sang linggo, uuwi ka na. Mabibilang ka na naman sa mga faceless Fil-Ams na sasakay sa BART, at hihigop ng napakamahal na Starbucks. Lagi ka na namang titingala habang kausap ang mga ka-opisinang kung ikukumpara sa height mo e mala-NBA players.

Pero bukas, sikat ka...kahit 'sang oras at kalahati man lamang...

===============

"Wowowee...sinong di mawiwili..." (Hanep talaga yung host na yun, pati sa theme song isiningit ang pangalan nya) :P

Comment viewing options

Select your preferred way to display the comments and click "Save settings" to activate your changes.
Submitted by PinoyPhotog on Fri, 2006/07/21 - 8:55pm.

...sana bullet day makaipon tayo ng mga sanaysay at makagawa ng isang aklat ng antolohiya tungkol sa Buhay BarangayAmerika. :D

Sanay marami pang ka-barangay ang sumulat ng "Buhay Pinoy."

Pinoy Photog

Submitted by kyo on Fri, 2006/07/21 - 5:48pm.

Ayos itong istorya mo kabayang jim.

iisipin ko yan ng malalim sa lunes habang nakasakay ako sa BART patungong Daly City.... Californiiiaaaa!.

-kyo-

Comment viewing options

Select your preferred way to display the comments and click "Save settings" to activate your changes.